Ang Wika ng Computer Science sa Mundo at Pilipinas

David Andrei Mendoza, isang estudyante ng UPD BS Computer Science – larawan ni David Andrei Mendoza

Ako si David Andrei Mendoza, kasalakuyang nasa unang taon ng Kolehiyo sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman (UPD) sa kursong Computer Science.

Iba’t ibang computer applications: Google Suite, Notion, Fallout Series, at Spotify (mula kaliwa hanggang kanan)

Pinili ko mag-aral sa kursong Computer Science dahil sa aking interes sa mga computer applications na ginagamit natin sa pang araw-araw. Kung ito man ay mga productivity applications katulad ng buong Google Suite at Notion o kaya naman ay mga entertainment applications katulad ng Fallout Series at Spotify. Pangarap ko na makasama sa isang organisasyon o kumpanya na may layon na bumuo ng mga makabubuluhang computer applications na ikabubuti ng lipunan.

Ngunit, ano ba ang mga pinag-aaralan sa aking kurso? Ano ba ang Computer Science?

Pagtatatrabaho sa industriyang Computer Science – larawan mula sa https://www.northeastern.edu/graduate/blog/popular-master-in-computer-science-jobs/

Ang Computer Science, o Agham Panpanuos sa wikang Filipino, ayon sa Britannica, “The study of computers and computing as well as their theoretical and practical applications. Computer Science applies the principles of mathematics, engineering, and logic to different functions, including algorithm formulation, software, and hardware development, and artificial intelligence” (Britannica, n.d.).

Mapa ng Computer Science – larawan mula sa https://www.flickr.com/photos/95869671@N08/36231833334/

Kagaya ng mga larangang Piska at Medisina, napakalawak rin ng pag-aaral ng Computer Science na maari pa natin itong maintindihan sa pamamagitan ng isang mapa batay sa ideya ng Domain of Science. Sa larawan, makikita ang iba’t ibang kategorya at koneksyon ng mga paksa sa larangang ito.

Sinasabing nahahati ang Computer Science sa tatlong pangunahing kategorya. Una ay ang Theoretical Computer Science, saklaw nito ang iba’t ibang Computer Science theories, algorithms, at cryptography. Pangalawa naman ay ang Computer Engineering na kinabibilangan ng programming languages, operating systems, at computer architecture. Pangatlo ay ang Applications na napapaloob ang artificial intelligence, virtual at augmented realities, pati ang image processing (Domain of Science, 2017).

Sa lawak ng Computer Science, maraming oportunidad ang naghihintay para sa isang nagbabalak na pumasok sa larangang ito. Maaaring sa akademya na nakapokus sa teoretikal na aspekto o kaya naman sa mga praktikal na pamamaraan gamit ang Computer Engineering o Applications ng Computer Science.

Industriyang Computer Science sa Pilipinas, partikular sa sektor ng IT-BPM – larawan mula sa https://industry.gov.ph/industry/it-bpm/

Sa kasalakuyan, napakapopular ng industriyang Computer Science sa Pilipinas, partikular pagdating sa mga praktikal na aplikasyon nito. Sa katunayan, ayon sa Department of Trade and Industry (DTI), sa taong 2020, ang sektor ng IT-BPM (Informtation Technology-Business Processng Management) ay nakapag-ambag sa Gross Domestic Product (GDP) ng bansa ng 26.7 bilyong dolyar o halos 1.3 trilyong piso kung sa palitang dolyar-peso noong 2020. Batay rin sa DTI, Pilipinas ang may hawak ng 13% ng global market share ng sektor. Nakagawa ito ng halos 1.3 milyong direktang trabaho at sumatotal na 4.5 milyong trabaho, kasama ang 700 na kumpanyang BPO (“US Dollar to Philippine Peso Spot Exchange Rates for 2020,” n.d.; Department of Trade and Industry, 2022). Ilan sa mga saklaw na trabaho ng IT-BPM ay Contact Centers, IT and Software Development, Animation and Game Development, Global In-House Centers, at Healthcare Information Management (“What is IT-BPM?”, n.d.).

2020 Occupation Wages Survey ng PSA – larawan mula sa
https://psa.gov.ph/occupational-wages-survey

Bukod pa rito, ayon sa 2020 Occupation Wages Survey ng Philippine Statistics Authority (PSA), sa sampung trabaho na may pinakamatataas na bayad, tatlo ang direktang konektado sa Computer Science (Computer Network Professionals, Software Developers, at Systems Analyst) habang dalawa naman ang hindi direkta pero maaring konektado (Mathematicians, Statisticians, at Actuaries, pati ang Electronic Engineers; Philippine Statistics Authority, 2020).

Tunay na maraming Pilipino ang nakakapaghanapbuhay gawa ng mga oportunidad sa Computer Science. Ngunit, kung ating mapagtatanto, nangingibaw sa larangang ito ang paggamit ng wikang Ingles.

Charles Babbage (taas), Ada Lovelace (kaliwa), at Alan Turing (kanan)

Ang koneksyon ng paggamit ng wikang Ingles sa Computer Science ay maaaring mabakas mula sa impluwensiya ng mga tanyag na tagapagbunsod nito. Si Charles Babbage ang kinikilala bilang “Father of Computing.” Si Ada Lovelace ay tinaguriang “World’s first computer programmer.” Ang itinuturing naman na ama ng modernong Computer Science ay si Alan Turing. Lahat sila ay mga matematikong taga-Britanya (“Charles Babbage,” n.d.; Britannica, n.d.; The Twickenham Museum, n.d.).

Ray and Maria Stata Center for Computer, Information and Intelligence Sciences ng Massachusetts Institute of Technology – larawan mula sa https://en.wikipedia.org/wiki/MIT_Computer_Science_and_Artificial_Intelligence_Laboratory

Kung titignan naman ang mga kasalukuyang nangungunang unibersidad sa buong mundo na nagtuturo ng Computer Science, walo sa sampung nangungunang unibersidad ay galing sa mga bansang may pangunahing wika na Ingles. Samakatuwid, sa Ingles nila itinuturo ang kurso (“QS World University Rankings by Subject 2022: Computer Science and Information Systems,” n.d.).

Sa iba namang mga nangungunang unibersidad na hindi Ingles ang isa sa mga pangunahing wika, ang mga itinuturong Ingles na konseptong Computer Science ay direktang isinasalin sa ibang wika o itinuturo pa rin sa Ingles nitong anyo.

Alumni Engineers Centennial Hall (Gusali ng UPD Department of Computer Science) – kuha ni David Andrei Mendoza

Pagdating sa Pilipinas, walang kurikulum ng Computer Science ang nakalimbag sa wikang Filipino o ibang mga wika sa bansa. Kahit ang pangunahing pampublikong unibersidad ng bansa, University of the Philippines System, ang kanilang mga kurikulum sa Computer Science ay nakasulat sa wikang Ingles (“5 Best Universities for Computer Science in the Philippines” n.d.).

Kahit rin ang mga malalapit na kurso batay sa work opportunities sa Computer Science katulad ng Information Technology (IT) at Information Systems (IS), walang kurikulum ang gumagamit ng wikang Filipino o ibang mga wika ng Pilipinas (“Top Tech & IT Colleges in the Philippines in 2022” n.d.).

Bilang isang estudyante ng Computer Science sa University of the Philippines System, kahit ang guro ay paminsan-minsan gumagamit ng wikang Filipino sa diskusyon, nangingibabaw pa rin ang paggamit ng wikang Ingles dahil ang mga mahahalagang konsepto ay nakasulat sa wikang ito.

Sa kabilang banda naman, mahalagang aspekto rin ng Computer Science ang programming languages.

“A programming language is an artificial language that can be used to control the behavior of a machine, particularly a computer. Programming languages, like human languages, are defined through the use of syntactic and semantic rules, to determine structure and meaning respectively. Programming languages are used to facilitate communication about the task of organizing and manipulating information, and to express algorithms precisely” (“Programming language,” n.d.).

Maaaring malaman ang dalawampung pangunahing programming languages sa taong 2022 ayon sa pamantayan at datos ng TIOBE Index. Kung susuriin, lahat ay gumagamit ng wikang Ingles (TIOBE, n.d.).

Halos isang-katlo ng nalimbag na programming languages ay nanggaling sa mga mga bansang may pangunahing wika na Ingles. Mula sa higit na 8,500 programming languages, halos 2,400 nito ay mula sa Estados Unidos, 600 sa Britanya, 160 sa Canada, at 75 sa Australia. May iilan rin naman sa mga nangungunang programming languages ay galing sa mga bansang hindi Ingles ang pangunahing wika, subalit, Ingles pa rin ang ginagamit. Ilan sa mga ito ay ang PASCAL (Switzerland), PHP (Denmark), Ruby (Japan), Lua (Brazil), at ang Python (The Netherlands; Y Studios, 2018).

Para naman sa mga programming languages na hindi gumagamit ng wikang Ingles, marami-rami naman ang mga ito at nanggagaling sa iba’t ibang dako ng mundo. Maaring makakita ng isang kumprehensibong listahan nito sa isang webpage ng Wikipedia. Mapapansin natin sa kadami-daming programming languages na gumagamit ng wika sa labas ng Ingles at kahit milyon-milyong Pilipino ang kasalukuyang nasa industriyang Computer Science, iisa pa lamang ang kilalang programming language na gumagamit ng wikang Pilipinas. Ito ay ang Bato programming language.

Filipino software developer Joel Bryan Juliano (kaliwa) at isang halimbawang program sa kanyang programming language na Bato (kanan) – larawan mula sa
https://www.speedmagazine.ph/bato-tagalog-programming-language-by-joel-bryan-juliano/

Ang Bato ay batay sa kilalang programming language na Ruby pero mayroon itong Filipinong sintaks. Ito ay gawa ni Joel Bryan Juliano, isang Filipinong software developer. Noong 2016, sinimula niyang gawin ang Bato upang maturuan niya ng programming ang kanyang pamangkin sa wikang Filipino. Napagtanto kasi ni Joel na magiging mas madali para sa isang tao na matuto ng programming kung ang mga konsepto nito ay batay sa isang wika na gamay niya. Sa partikular, ang wikang Filipino para sa mga Pilipinong nais na matuto ng programming ngunit hindi bihasa sa wikang Ingles. Ngunit, sa kasalukyan, mas ginagamit lamang ang Bato para sa simpleng pagtuturo. Malaking pagsulong pa ang kinakailangan upang magamit ito nang malawakan sa mga unibersidad at mga organisasyon (Punzalan, 2019).

Programming ang tawag sa proseso ng paggawa ng mga partikular na direksyon para isang makina katulad ng kompyuter upang tuparin ang kinakailangang gawin. Madalas ginagamit ang mga programming languages sa proseso ng programming.

Mahalaga ang kakayahan sa wikang Ingles sa industriyang Computer Science – larawan mula sa https://www.123rf.com/photo_21515082_education-concept-computer-keyboard-with-word-learn-english-on-enter-button-background-3d-render.html

Ang wikang Ingles ang itinuturing na unibersal na wika ng mundo. Maaring ito rin ang masasabi pagdating sa Computer Science. Ang mga konseptong Computer Science na ginagamit sa edukasyon at pagtatrabaho ay halos nakalimbag lahat sa wikang Ingles.

Marami nang mga bansa ang sinusumulan isalin ang mga mahahalagang konseptong Computer Science sa kanilang sariling wika lalo na pagdating sa mga programming languages. Ito ay upang ang kanilang mga mamamayan na hindi bihasa sa Ingles ay maaaring matuto ng Computer Science.

Bagamat, ang Pilipinas, kahit mayroong malaking tatak sa industriya ng Computer Science, lalo na sa sektor ng IT-BPM ay maliit pa rin ang progreso patungo sa paggamit ng kanilang sariling wika para sa pagkatuto at aplikasyon nito. Sa halip, wikang Ingles pa rin ang nangingibaw sa larangan.

Mga estudyanteng Pilipinong mayroong potensyal sa Computer Science – larawan mula sa
https://newsbytes.ph/2017/02/01/study-over-50-of-pinoy-it-students-lack-programming-skills/

Malawak na pag-aaral at industriya ang Computer Science. Maraming oportunidad ang makakamit dito. Subalit, para sa isang Filipino na hindi sapat ang kakayahan sa wikang Ingles, maaring itong maging hadlang sa pagtahak ng Computer Science. Isang larangan na maaring makapabigay ng malaking kaluguran sa karera at magandang hanapbuhay para sa sinusuportahang pamilya. Dagdag pa rito, nahahadlang rin ang potensyal ng Pilipinas dahil kung mas maraming Pilipino ang maaring matututo ng Computer Science, mas malaki ang magiging pagsulong sa larangan at mas uunlad ang ekonomiya ng bansa.

Sanggunian

5 Best Universities for Computer Science in the Philippines. (n.d.). Uscollegeinternational.Com. https://uscollegeinternational.com/best-universities-computer-science-philippines/

Britannica. (n.d.-a). Ada Lovelace: The First Computer Programmer. Britannica.Com. https://www.britannica.com/story/ada-lovelace-the-first-computer-programmer

Britannica. (n.d.-b). computer science | Definition, Types, & Facts. Encyclopedia Britannica. https://www.britannica.com/science/computer-science

Charles Babbage. (n.d.). History.Computer.Org. https://history.computer.org/pioneers/babbage.html

Department of Trade and Industry. (2022, May 2). DTI Chief: US IT firm eyeing high-value BPO presence in PH. https://Www.Dti.Gov.Ph/. https://www.dti.gov.ph/archives/news-archives/dti-chief-us-it-firm-eyeing-high-value-bpo-presence-in-ph/

Domain of Science. (2017, September 6). Map of Computer Science [Video]. YouTube. https://www.youtube.com/watch?v=SzJ46YA_RaA

Philippine Statistics Authority. (n.d.). Occupational Wages Survey (OWS). Psa.Gov.Ph. https://psa.gov.ph/occupational-wages-survey

Programming language. (n.d.). Cs.Mcgill.Ca. https://www.cs.mcgill.ca/~rwest/wikispeedia/wpcd/wp/p/Programming_language.htm

Punzalan, J. (2021, November 19). This software engineer developed a Tagalog programming language used by educators. Speedmagazine.Ph. https://www.speedmagazine.ph/bato-tagalog-programming-language-by-joel-bryan-juliano/

QS World University Rankings by Subject 2022: Computer Science and Information Systems. (n.d.). Topuniversities.Com. https://www.topuniversities.com/university-rankings/university-subject-rankings/2022/computer-science-information-systems

The Twickenham Museum. (n.d.). Alan Turing. Twickenham-Museum.Org.Uk. http://www.twickenham-museum.org.uk/detail.php?aid=66&ctid=1&cid=13

TIOBE. (n.d.). TIOBE Index for May 2022. Tiobe.Com. https://www.tiobe.com/tiobe-index/

Top Tech & IT Colleges in the Philippines in 2022. (n.d.). Coursefinder.Ph. https://coursefinder.ph/top-tech-it-colleges-in-the-philippines-in-2022

US Dollar to Philippine Peso Spot Exchange Rates for 2020. (n.d.). Exchangerates.Org.Uk. https://www.exchangerates.org.uk/USD-PHP-spot-exchange-rates-history-2020.html

What is IT-BPM? (n.d.). Itstartshere.Ph. https://itstartshere.ph/it-bpm

Y Studios. (2018, August 18). The Language of Codes : Why English is the Lingua Franca of Programming. Ystudios.Com. https://ystudios.com/insights-passion/codelanguage

Leave a comment

Design a site like this with WordPress.com
Get started